3 OFW sa Saudi na positibo sa COVID-19, pinagtratrabaho pa rin ng amo

FILE PHOTO FROM REUTERS

Humihingi ng tulong ang tatlong overseas Filipino worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) pero patuloy na pinagtratrabaho ng kanilang amo.

Sa isang ulat, hiniling ng tatlong Pinay na ipasuri sila sa ospital dahil sa hirap na panghinga, pangangati ng lalamunan, at madalas na pananakit ng katawan.

Bagama’t sinagot ng amo ang swab test, hindi raw ipinakita sa kanila ang resulta ng COVID-19 test at sinabi nito na tinamaan sila ng kinatatakutang virus.


Naka-isolate ang mga OFW sa kani-kanilang kuwarto at tanging paracetamol lamang ang ibinibigay ng employer.

Dagdag ng tatlong kababayan, nauna raw dinapuan ng virus ang among mag-asawa. Pero hinala nila, maaring nahawa sila sa tatlong anak nito na kanilang binabantayan at inaalagaan.

Nakarating na sa Overseas Workers Welfare Association (OWWA) ang sitwasyon ng mga Pinay domestic helper na nangakong makikipag-ugnayan sa health ministry ng Saudi Arabia.

Facebook Comments