Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Lunes nang madiskubreng may pekeng visa ang kanilang pasaporte.
Sa ulat na ipinaabot kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, naharang ang tatlong OFW ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) bago pa sila makasakay sa Cebu Pacific Airlines flight patungong Dubai.
Ayon sa pahayag mula sa mga naturang OFW, inalok umano sila ng trabaho sa Dubai bilang mga cleaner at ipinakita ang kanilang mga dokumento.
Nang inspeksyunin ay nakumpirma na ang kanilang United Arab Emirates (UAE) employment visa ay tampered at walang ideya ang mga biktima rito.
Itinuro ng tatlo na kagagawan ito ng recruitment agency at agad ding ini-refer ng BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang imbestigasyon.
Nagbabala naman si Tansingco sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa na doblehin ang pag-iingat at palaging magsasagawa ng beripikasyon.