Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagtestigo ng tatlong opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Task Force PhilHealth.
Kabilang dito sina PhilHealth Senior Vice President and Chief Information Officer Jovita Aragona, Corporate Secretary Jonathan Mangaoang at Acting Senior Manager ng PhilHealth Fact-Finding Investigation and Enforcement Division (FFIED) Ernesto Barbado.
Sa kaniyang testimonya, inamin ni Aragona na hindi kaya ng kasalakuyang IT systems ng PhilHealth na matukoy ang mga ghost claims sa ahensya.
Partikular aniya ang validation process ng PhilHealth na mano-mano pa rin.
Ayon pa kay Aragona, dahil dito bigo ang mga kinauukulang opisina sa PhilHealth na matukoy ang kinakailangang internal control systems noong ginagawa palang ang disenyo at dine-develop ang IT systems ng ahensya.
Nilinaw ni Aragona na ang dating isyu ng mga kinukwestyong pagbili ng mga switch ng PhilHealth ay transaksyon ng PhilHealth-NCR kaya dapat itong maimbestigahan.
Sinabi naman ni Mangaoang na ang kontrobersiyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ay una nang ipinanukala noong January 2020 para matiyak ang financial viability ng mga ospital at mga medical establishments sakaling magkaroon ng emergencies o fortuitous events.
Inaprubahan aniya ng PhilHealth Board ang IRM base sa opinyon ng legal sector ng PhilHealth.
Kinumpirma rin ni Mangaoang ang pag-apruba ng board sa rekomendasyon ng Protest and Appeals Department ng PhilHealth Corporation na mabigyan ng amnestiya ang mga ospital na late na nakakapaghain ng kanilang claims para sa reimbursement mula 2011.
Sa ilalim ng batas na lumikha sa PhilHealth, hindi pinapayagan ang reimbursement ng claims na lagpas sa 60-araw mula nang ma-discharge sa ospital ang pasyente.
Ipinasisilip naman ni Barbado sa Task Force ang ghost o fake claims na una nang inimbestigahan ng Fact-Finding Investigation and Enforcement Division.