3 paglabag ng NPA sa umiiral na unilateral ceasefire, naitala ng AFP

Sa kabila ng deklarasyon ng ceasefire dahil sa banta ng COVID-19, nakapagtala ang Armed Forces of the Philippines ng tatlong pag-atake ng New Peoples Army.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Felimon Santos Jr., tinangkang pasabugan ng landmine ng mga NPA ang mga miyembro ng 46th Infantry Batallion ng Philippine Army sa Barangays Hubasan and Binanggaran, Calbiga, Samar.

Sa Barangay Llavac, Real, Quezon naman dalawang NPA ang nahuli ng militar na lumabag sa curfew pero sa halip sumumuko, tumakas pa ang mga ito at habang tumatakas, pinasabog ang dalawang anti-personnel mines na dahilan ng pagkasugat ng ilang sundalo at sibilyan.


Habang sa Brgy. Tangdanua, Pantukan, Davao De Oro naman, inatake rin ng NPA ang mga pulis partikular ang PNP Regional Mobile Force Company kung saan nagkaroon ng ilang minutong sagupaan dahilan ng pagkamatay ng isang NPA.

Sinabi ni Santos, ang mga ganitong kilos ng NPA ay patunay na wala silang isang salita o hindi seryoso sa idineklara nilang ceasfire sa kabila na abala ang gobyerno sa pagkontrol kung paano hindi kakalat ang COVID-19.

Pinuri naman ni Santos ang mga sundalo at pulis dahil sa pagiging alerto pa rin laban sa mga NPA.

Facebook Comments