3 Pasyente ng COVID-19, Nananatili pa rin Cagayan Valley Medical Center

*Cauayan City, Isabela*- Nananatili nalang sa tatlong (3) pasyente ng COVID-19 ang kasalukuyang nasa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ayon kay Medical Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, kabilang sa mga pasyente ang isang walong linggong buntis mula sa Bayan ng Alicia at isang dating OFW na nagmula sa bansang Hongkong matapos naman itong mahawa sa kanyang asawa na ngayon ay nagnegatibo na sa nakamamatay na sakit.

Kabilang din ang 71-anyos na Ginang na isang American Citizen na kasalukuyang naninirahan sa Tuguegarao City, Cagayan.


Sa kabuuang bilang na 16 na positibo sa COVID-19 ay 14 na ang nakauwi na sa kani-kanilang mga tahanan matapos magnegatibo ang ikalawang swab result at maging stable ang kanilang iba pang medical condition.

Samantala, kinumpirma naman ng Department of Health Region (DOH- 2) na isang 21 anyos na lalaking pasyente ang naidagdag sa bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa buong Lambak ng Cagayan.

Ayon sa DOH, may travel history sa Maynila ang pasyente at nagkaroon ng exposure kay PH2310 na kabilang sa tumutugon sa Epidemiological Unit ng ahensya.

Sa kabuuan, 23 na ang mga nagpositibo sa nakamamatay na sakit sa rehiyon.

Facebook Comments