Patuloy ang ginagawang joint search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pitong nawawalang pasahero ng dalawang motorbanca na lumubog sa Caluya Island sa Antique.
Ayon sa PCG, madaling araw noong August 26 nang umalis ng Boracay Island ang MBCA Ure Mae at ang isang hindi pa tukoy na bangka at patungo sanang Caluya, Antique.
Pero makalipas ang tatlong oras ay naipit sila sa gitna ng masamang panahon at malalakas na alon sa dagat.
Nasa dalawampu (20) ang sakay ng mga bangka kabilang ang mga kapitan.
Sa pagsalaysay ng dalawang nakaligtas, napadpad umano sila sa San Jose, Romblon at nilangoy ang pinakamalapit na baybayin para humingi ng tulong.
10 na ngayon ang nasagip habang may pito pang nawawala.
Sa kasamaang palad, may tatlong nasawi sa insidente.
Inabisuhan naman ng PCG ang mga sasakyang pandagat at mga mangingisda na malapit sa baybayin na agad makipag-ugnayan sa kanila sakaling makita ang mga indibidwal na nawawala.