Lima ang nasawi matapos na mawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng isang trak sa Sumilao, Bukidnon nitong nakalipas na araw ng Sabado.
Ayon kay Sumilao Municipal Police Station Spokesperson Police Captain Camilo Cacho, nangyari ang aksidente sa Sitio Langga, San Vicente Sumilao Bukidnon.
Bumabiyahe aniya ang Isuzu trak na may plate number CCO 6298 na minamaneho ni Erman Falcis mula sa may Malaybalay City, Bukidnon na patungo sa Maluko Manolo Fortich Bukidnon bitbit ang mga farm fertilizer.
Pero pagsapit sa may pakurbang bahagi ng daan sa may Sitio Langga San Vicente Sumilao ay nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber, dere-deretso itong bumangga sa bakod ng bahay ng mga nasawing indibidwal na ang mga panahon yon ay naliligo sa kanilang bakuran.
Dead on the spot ang tatlo na kinilalang sina Jean Tumatao 3-anyos, DJ Orina 13-anyos at isang lola na si Teresa Jagonal 64-anyos mga residente ng Sitio Langga, San Vicente Sumilao Bukidnon.
Habang patay rin ang driver na si Erman Falcis at substitute driver nito na si Lavon Tanieza matapos na mahulog sa malalim na lugar sa gilid ng kalsada ang trak.
Maswerte namang nakaligtas ang helper ng trak na si Reymart Gala na ngayon ay nagpapagaling na sa Bukidnon Provincial Medical Center.
Halos mawasak naman ang trak dahil sa lakas ng pagkakabanga nito sa bakod at pagkakahulog.