Manila, Philippines – Inatasan na ng Korte Suprema ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkomento sa mga petisyon na kumukwestyon sa pagbabawal sa mga provincial bus terminal sa kahabaan ng EDSA.
Binigyan ng Korte Suprema ng sampung araw ang MMDA para magsumite ng kanilang komento sa tatlong petisyon laban sa provincial bus ban.
Nagdesisyon na rin ang Supreme Court o SC na i-consolidate na lamang ang tatlong petisyon.
Kabilang sa mga petitioner sa kaso sina Albay Representative Joey Salceda, AKO BICOL Partylist at ang Makabayan Bloc.
Una nang hiniling ng tatlong petitioners ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order o TRO para maipatigil ang implementasyon ng nasabing MMDA regulation dahil malaking perwisyo ito sa senior citizens at PWDs na pasahero.