
Sa pag-upo ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III bilang bagong pinuno ng Pambansang Pulisya, naglatag ito ng tatlong prayoridad o mga tututukan ng PNP sa ilalim ng kanyang termino.
Una, kailangan ang mabilis na serbisyo publiko kung saan kanyang ipatutupad ang 3 minutes response time.
Ani Torre, ito ang kanyang ipinatupad nang siya’y maupo noon bilang direktor ng QCPD at PRO 11 o Davao Regional PNP.
Sinabi ni Torre na bagama’t ipatutupad ito sa buong bansa, uunahin muna ang mga syudad lalo na sa Metro Manila.
Ikalawa ay ang pagkakaisa at mataas na morale kung saan, kaniyang paiiralin ang respeto sa isa’t isa at leadership by example.
Ikatlo ang accountability and modernization kung saan dito bibigyang parangal ang mga nagtatrabahong pulis at hindi na sapat sa ngayon ang pogi points lamang.
Samantala, hamon ng bagong PNP chief sa mahigit 220,000 mga pulis na gampanan ang kanilang tungkulin nang naaayon sa batas at ibigay ang mabilis na serbisyo publiko.









