3 Pinoy na nagtatrabaho sa airline company, nakalabas na ng Sudan

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may tatlong Pilipino na empleyado ng airline ang ligtas na nakalabas na ng Sudan.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega, ang naturang mga Pinoy ay dumating na sa Jeddah, Saudi Arabia at sila ang unang nakalikas.

Sinabi ni De Vega na patuloy rin silang nakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Saudi Arabia para sa pagtawid ng iba pang mga Pinoy mula sa Sudan.


Sinisikap naman ng Philippine Embassy na maisakay na rin ng barko mula Sudan ang iba pang mga Pilipino patungo ng Saudi Arabia.

Ito ay bukod pa sa mga Pinoy na isasakay ng bus patungo naman ng Egypt.

Tiniyak naman ng DFA na walang Pilipinong nasawi o nasugatan sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Sudan.

Facebook Comments