Sa ikalawang araw ng pagdinig ng DOJ sa reklamong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code na isinampa ng NBI-NCR laban sa KAPA officials, umatras sa kaso ang tatlong complainants.
Nagsumite ng kanilang affidavit of desistance ang complainants kung saan present sa pagdinig sina Kim Ampo at Judith Ledicho.
Batay sa affidavit of desistance ni Ledicho, kusang loob siyang sumali sa KAPA kung saan nagbigay siya ng P30,000 donasyon noong June 2, 2019 sa kagustuhan na makatulong sa kapwa.
Nilinaw rin niya na hindi siya pinilit o pinangakuan ng KAPA ng kahit anong interes.
Ganito rin ang naging paliwanag ni Ampo na napaiyak pa sa harap ng piskal sa pag uurong ng kaso.
Hindi naman nakarating ang ikatlong complainant na si Virginia Ampo na dahil nasa probinsya ito pero doon na lamang daw niya panunumpaan ang kanyang affidavit of desistance.
Kabilang sa mga inireklamo ang labing-apat na mga opisyal ng KAPA, Kabilang dito ang founder at president nito na si Joel Apolinario, mga incorporator na sina Nonita Urbano, Junnie Apolinario, Nelia Nino, Maria Pella Sevilla, Jocelyn Del Castillo, Cristonal Barabad, at Joji Jusay.
Sabit din sa reklamo ang Corporate Secretary ng Kapa na si Reyna Apolinario, treasurer na si Modie Dagala at mga director na sina Benigno Tipan, Marnilyn Maturan, Ricky Taer at Margie Danao.