Cauayan City, Isabela- Tatlong probinsya sa rehiyon dos ang nagdeklara na ng total ban o mahigpit na pagbabawal sa mga pumapasok at ibina-byaheng alagang hayop partikular sa karneng baboy at mga frozen products nito.
Ang probinsya ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino ay nagdeklara ng total ban para masiguro at hindi mahawaan ng sakit na Swine Fever o ASF at iba pang sakit ang mga alagang hayop sa rehiyon dos.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa tanggapan ni Regional Excutive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture, madali umanong mahawaan ang mga alagang hayop ng naturang sakit kung nakapasok na ito sa ating rehiyon kung kaya’t nagsagawa na ng close monitoring at inspection sa mga itinalagang checkpoint sa bayan ng Sta.Fe, Nueva Vizcaya, Nagtipunan, Quirino, Cordon, Isabela at sa boundary ng San Pablo, Isabela at sa Tuguerao City maging sa Sta.Praxedes sa Cagayan.
Kaugnay nito ay inatasan niya rin ang mga agriculturist at meat inspector na bagamat free sa ASF ang probinsya ng Cagayan at Batanes ay nagmonitor at nagsasagawa pa rin ng serological surveillance para masiguro din na ligtas ang mga frozen products.
Paalala pa ni Edillo na sanayin o ugaliin ang “BABES” guidelines na Ban pork imports, Avoid swill feeding, Block entry at international ports, Educate our people and Submit samples.
Dagdag pa ni Edillo na maging sa pagpatupad at pagpalaganap sa “LIEMPO” strategy na may kasabihang Locate, hold and cull; Improve reporting and surveillance; Educate stakeholders; Mobilize supporters, Protect free zones and Optimize farm Biosecurity.
Ang DA-RF02 ay katuwang ang Bureau of Animal Industry (BAI), mga concerned agencies maging ang mga Local Government Units (LGU’s) para sa massive information dissemination upang hindi makalusot o makapasok ang mga nakakahawang sakit sa lambak ng Cagayan.