CAUAYAN CITY – Nagluluksa ang buong kapulisan ng Apayao matapos malunod ang tatlong Ipasindayaw Cops habang ginagawa ang kanilang tungkulin sa Barangay Lubong, Langnao, Calanasan, Apayao.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Pat Halteric Pallat mula sa Apayao, Pat Resty Bayog mula sa Kalinga, at Pat John Lorenzo Togay-an Jr. mula sa Benguet.
Nalunod ang mga biktima matapos lumubog ang kanilang sinasakyang bangka habang binabaybay ang Apayao River.
Ang naturang mga biktima ay kabilang sa pitong pulis na nagsagawa ng follow-up investigation sa maaaring pagkakadakip ng suspek sa nangyaring pamamaril sa Calanasan, Apayao.
Ayon sa impormasyong nakuha ng IFM News team kay Police Captain Ginabel Dao-inon, Public Information Officer ng Apayao Provincial Police Station, nagsasagawa umano ng hot pursuit operation ang at kinakailangan nilang sumakay ng bangka.
Kabilang ang bangkero ay 8 ang sakay ng bangka nang mangyari ang insidente kung saan 5 ang nakaligtas habang 3 ang nasawi.
Samantala, nahanap na ang katawan ng 3 patrolman ngayong araw, ika-8 ng Disyembre at dalawa sa mga ito – ang katawan nina Pat. Resty Bayog at Pat. Halteric Pallat – ay naiuwi na sa kanilang pamilya.
Inihahanda naman na ang mga documents for transportation upang maihatid na ang katawan ni Pat John Lorenzo Togay-an Jr. sa kanyang pamilya sa Buguias, Benguet.