Manila, Philippines – Dinis-armahan na ang tatlong pulis na sangkot sa pagkakapatay sa menor de edad na si Kian Delos Santos sa Caloocan.
Ito ang kinumpirma ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde.
Aniya, ang mga baril nina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz ay isinuko nila sa PNP Criminal Investigation and Detection Group at ibinigay naman ng CIDG sa PNP crime laboratory para sa ballistic examination.
Ngayong araw naman, inaasahang pupunta ang tatlong ito sa CIDG para sa paraffin test examination at kukunan ng kanilang statement sa pangyayari.
Sa ngayon nasa restrictive custody na ang tatlong pulis habang patuloy ang imbestigasyon.
Kaugnay nito iginiit rin ni Albayalde na nasawi si Kian Delos Santos matapos manlaban sa mga pulis sa isinagawang drug operation sa Caloocan.
Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy kung may lapses ang mga pulis sa operasyon.