Huli sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police (PNP) ang mismong kabaro sa kanilang isinagawang hiwalay na entrapment operation sa Taguig City at Bicol.
Sa ulat na ipinarating ni Pol. Col. Thomas Frias Jr., Acting Director ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) kay PNP Chief General Debold Sinas, nahuli sa entrapment operation ang isang Police Staff Sergeant Carlo Marsaba Sison.
Si Sison ay nakalatalaga sa Taguig City Police Station na naaresto sa C6, Napindan Road, Brgy. Napindan, Taguig City.
Inireklamo ito ng isang Jordan Delfin Maxian dahil paghingi umano ng ₱15,000.00 kapalit ay maalis ang pangalan ng nagrereklamo na sangkot umano sa illegal drug activities.
Sa Bicol naman, dalawang pulis ang arestado rin dahil sa robbery extortion, kinilala ang mga ito na sina PSSg. Ernan Marquez Mullasgo at PSSg. Gerald Callo Capuz kapwa nakatalaga sa Camalig Municipal Police Station.
Kasama rin nilang naaresto ang dalawa pa na sina Melody Paliza Quidez at security guard na si Jay Marquez Quides.
Naaresto sila sa Provincial Engineering Office, Brgy. Salugan, Poblacion, Camalig, Albay.
Inirereklamo sila ng isang abogado na kinilalang si Paulino Baclao Fernandez Jr. dahil sa pagbabantang kikidnapin ang kaniyang magulang kung hindi magbibigay ng ₱2 million.
Sa operasyon nakuha sa mga suspek ang dalawang handguns, limang mobile phones at marked money na ₱1,000.