3 pulis, nasita ng PNP-IMEG dahil sa paggamit ng cellphone habang naka-duty

Nahuli ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang tatlong pulis mula sa Manila Police District (MPD) na gumagamit ng cellphone habang naka-duty.

Ang mga pulis na may ranggong Patrolman ay nasita sa isinagawang red teaming operations ng IMEG kahapon.

Dalawa sa kanila ang naaktuhang gumagamit ng Messenger app habang naka-duty sa Police Assistance Desk sa Malate at Ermita, habang ang isa naman ay nahuling naglalaro ng online game sa Roxas Boulevard.

Ayon kay IMEG Director PBGEN. Bonard Briton, ang paggamit ng personal cellphone habang naka-duty ay hindi lamang nagkokompromiso sa kaligtasan ng publiko at kapwa pulis, kundi nagpapakita rin ng kawalan ng propesyonalismo.

Muling iginiit ng PNP ang pagpapatupad ng mahigpit na mga patakaran ukol sa disiplina at integridad ng bawat pulis at ang sinumang lalabag ay mahaharap sa kaparusahan.

Facebook Comments