3 rehiyon sa bansa, mahigpit na binabantayan ng DOH dahil sa pagtaas ng dengue cases

Mahigpit ngayong binabantayan ng Department of Health (DOH) ang tatlong rehiyon sa bansa dahil sa tumataas na bilang ng kaso ng dengue.

Batay sa datos mula sa DOH, nasa 6,622 na dengue cases na ang naitala bansa mula April 10 hanggang May 7, 2022.

Karamihan dito ay nagmula sa Region 9 o Zamboanga Peninsula na nasa 908 cases; sinundan ng Region 7 o Central Visayas na may 881 cases at ang Region 3 o Central Luzon, 593.


19 na ang nasawi sa dengue sa Zamboanga City kung saan nagdeklara ng outbreak habang 11 sa Cebu City.

Ayon pa sa ahensya, nakita nito ang pagtaas sa kaso ng dengue simula katapusan ng Marso.

Nabatid na mula March 20 hanggang April 30 ay nasa 11,435 dengue cases na ang naitala na 94% na mas mataas kumpara sa mga kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2021 na nasa 5,901 lamang.

Sa kabila nito, sinabi ng DOH na bumaba ng 6% ang kaso ng dengue mula noong Enero ngayong taon na nasa 25,268 mula 27,010 na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.

Umaasa naman ang kalihim ng DOH na hindi na sisipa pa ang kaso ng dengue.

Facebook Comments