Timbog ang tatlong residenteng nabistong gumawa ng pekeng student ID para makakuha ng food coupon sa Pasig City, nitong Huwebes.
Hindi na idinetalye ni Mayor Vico Sotto ang pagkakakinlanlan ng mga suspek na nag-imprenta ng pekeng ID ng Nagpayong Elementary School.
“Gumagawa ang pamahalaan ng paraan para makatulong, tapos may manloloko at mananamantala pa?” hinaing ng alkalde sa Facebook post.
Namamahagi ang Pasig ng P400 halaga ng food coupon sa mga estudyante sa pampublikong paaralan na maaaring ipambili sa palengke.
Dahil sa insidente, pansamantalang itinigil ang pamimigay ng coupon sa Nagpayong.
Maaaring maharap ang tatlong suspek sa falsification of public documents at paggamit ng falsified documents.
Samantala, pinasalamatan ng alkalde ang mga disiplinadong residente at nagpaalalang “kung walang manloloko, magiging maayos po ang pagbaba natin ng tulong.”