Sarado na sa mga motorista ang 3 section ng national roads sa Eastern Visayas dahil sa epekto ng Bagyong Bising.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), hindi na pwedeng daanan ang mga nasabing kalsada dahil sa mga pagbaha at posibilidad ng landslide.
Kabilang sa mga sarado ngayon ay ang Wright-Taft-Borongan Road, Camp 5 Boundary – Junction Taft sa Barangay Binaloan, bayan ng Taft at Junction ng Taft-Oras-San Policarpio-Arteche Road sa Barangay Bigo, bayan ng Arteche kapwa sa Eastern Samar, at Biliran-Naval Road, Catmon Bridge Detour sa Barangay Catmon sa Naval, Biliran.
Ayon sa DPWH, ang Kilometer 0861+ hanggang Kilometer 0890 sa Brgy. Binaloan, Taft ay isinara pansamantala dahil landslide prone ang lugar.
Habang ang mga apektadong kalsada sa Barangay Bigo, Arteche at Barangay Catmon, Naval ay lubog pa rin sa baha.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na iwasan muna ang mga nasabing kalsada at dumaan muna sa alternatibong ruta.
Naka-standby na rin ang DPWH Quick Response Teams sa mga apektadong lugar para sa clearing operation.