Cauayan City, Isabela- Sugatan ang 4 katao matapos maaksidente ang kanilang sinasakyang jeep ngayong araw sa Lamtagan, Barangay Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province.
Nakilala ang sugatan sa insidente na sina Clifford Chamkas, 46-anyos, driver; Banayan Saowad, 66-anyos na kapwa nagtamo ng multiple abrasion wound;Betty Fararao,65-anyos, at posibleng nagtamo ng elbow joint dislocation; at Rosita Awingan, 65-anyos na hinihinalang may right leg bone fracture.
Samantala, ang iba pang pasahero na pawang mga senior citizen ay hindi na umano nagpasuri pa sa kanilang kalagayan matapos ang insidente at pinili na lamang na umuwi sa kanilang mga bahay bahay ngunit pinababantayan pa rin ng Bontoc Operations Center sa Barangay Health Emergency Team (BHERT) ang ibang mga pasahero para masigurong ligtas sila sa nangyaring aksidente.
Batay sa inisyal na report ng Bontoc Operations Center, ang kulay maroon na jeep na may plakang AHA 615 ay fully loaded ng pasahero na sinasabing pupunta umano sa Madaymen, Buguias mula sa Barangay Dalican para dumalo sa isang kasal.
Habang binabaybay ang daan, nakaranas umano ng mechanical failure ang sasakyan kung saan pinili nalang na ibangga ng driver ang minamanehong sasakyan sa bundok na bahagi ng daan para hindi humantong sa posibleng pagkahulog sa bangin.
Kasalukuyan pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring insidente.
📸Bontoc Operations Center