3 Siyudad sa Isabela Province,Nakapagtala ng Mataas na bilang ng COVID-19 Deaths; Suplay ng Gamot, Nagkakaubusan

Cauayan City, Isabela- Naitala ng Isabela Provincial Health Office (IPHO) ang tatlong lungsod sa lalawigan na may pinakamaraming bilang ng mga nasawi may kaugnayan sa COVID-19.

Ito ang isa sa mga natalakay sa ginawang pulong ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Isabela Chapter kahapon, Setyembre 14, 2021.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Nelson Paguirigan, nasa 1,120 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa COVID-19 kung saan may malaking bilang sa Santiago City, City of Ilagan at Cauayan City.


Lumobo rin ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan naman ng Angadanan, San Guillermo at Santiago City.

Bukod dito, nananatili pa rin sa Critical or High Risk Hospital Use Classification ang sitwasyon sa mga provincially-managed hospitals kabilang ang Southern Isabela Medical Center kung saan nasa 94.02% ang hospital occupancy rate.

Samantala, iprinesenta rin ng Dr. Paguirigan sa pamamagitan ng One Isabela Command Center na umabot sa 1,682 vials Remdesivir, 32 vials Tocilizumab, 2,924 (200 mg) at 7,152 (400 mg) Favipiravir ang libreng ipinamahagi ng provincial government.

Hinimok naman ni Governor Rodito Albano III ang mga punong bayan kung mayroon pang pondo na sumabay na bumili ng mga iba pang gamot dahil nagkakaubusan na umano ng suplay sa ngayon gaya ng Tocilizumab.

Facebook Comments