3-strike policy, ipapatupad ng TRB laban sa mga lumalabag sa RFID

Magpapatupad ang Toll Regulatory Board (TRB) ng three-strike policy laban sa mga motoristang gumagamit ng toll roads pero walang load o hindi sapat ang load ng kanilang radio frequency identification o RFID.

Ito ay matapos ipag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Finance at TRB Alternate Chairperson Garry De Guzman, may mga motorista na umaabuso sa no-apprehension policy.


Marami pa rin aniya ang hindi tumatalima sa no-cash collection policy sa tollways.

“Marami ang nag-aabuso… pumapasok sila na walang load… Mayroong 50 times, 200 times pumapasok walang load so napagkasunduan sa TRB na will conduct massive information campaign,” ani De Guzman.

Kapag tatlong beses nang pumasok ang motorista na walang load o kulang ang laman ng kanilang RFID ay huhulihin na sila.

Sa unang offense, papaalahanan ang mga motorista na lagyan ng sapat na load ang kanilang RFID accounts.

Sa pangalawang offense, iisyuhan na sila ng warning at sa ikaltlong paglabag ay huhulihin na sila at papatawan ng penalties.

Facebook Comments