
Naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police ang tatlong suspek at kusang loob namang sumuko ang isang babae kaugnay ng tangkang carnapping at serious illegal detention sa Baliwag, Bulacan.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Boss J,” “Kulas,” at “Nap.” habang kusa namang sumuko si “Nic” sa Baliwag Police nitong Sept 7, 2025.
Biktima ng grupo si “Jason,” isang transport service driver mula Taguig.
Sa paunang imbestigasyon, pinarenta nito ang kanyang pulang Toyota Innova sa Marilao nitong Sept 6, ngunit sapilitang inagaw ng mga suspek ang sasakyan, tinakpan ang kanyang mga mata at dinala sa isang inn sa San Rafael Bulacan.
Nakaligtas ang biktima matapos tumalon mula sa ikalawang palapag at nagtamo ng mga sugat sa kanyang katawan.
Kasunod ng pagsuko ni Nic, nagsagawa ng joint operation ang mga pulis ng San Rafael, Marilao, Baliwag at Bustos na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong lalaki na positibong kinilala ng biktima at ng isa sa mga suspek.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong Serious Illegal Detention at Carnapping laban sa mga suspek.









