Naaresto ng Bukidnon Police ang tatlo sa mga suspek na nasa likod ng pananambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal “Bombit” Adiong Jr., noong Pebrero 17.
Nadakip ang mga ito base na rin sa arrest warrant na inisyu ng korte dahil sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms.
Positibong kinilala ang mga ito na nasa likod nang pananambang kay Gov. Adiong kung saan kabilang sa mga natimbog ng mga awtoridad ay sina Amerudin Dimatingcal, Nagak Dimatingcal at Palawan Salem.
Nakuha sa mga ito ang mga baril, bala at granada.
Kamakailan ay napatay ang isa sa pinaniniwalaang sangkot sa pag-ambush sa convoy ni Gov. Adiong na si alyas Otin o Fighter.
Matatandaang Pebrero 17, tinambangan ang convoy ni Governor Adiong sa Kalilangan, Bukidnon kung saan sugatan ang gobernador maging ang kanyang aide pero nasawi naman ang apat niyang bodyguards.