Sibak sa pwesto ang tatlong tauhan ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) matapos umanong galawin ang CCTV camera sa ni-raid na scam hub sa Century Peak Tower sa Adriatico Street, Malate, Maynila.
Sa natanggap na report ng PNP-ACG, habang isinasagawa ang operasyon, may mga pulis na nakitang naglalakad sa hallway na walang suot na pang-itaas at nakapatay ang CCTV camera.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ni ACG Director MGen. Ronnie Francis Cariaga ang pagsibak sa mga pulis na sangkot at ang pagsasagawa ng administrative investigation.
Batay sa paunang imbestigasyon, noong October 31, sadyang pinatay ang elevator at air conditioning ng gusali dahilan upang maglakad ang mga pulis sa hallway ng gusali na walang suot na pang-itaas dahil sa init.
Dahil sa kanilang hindi kaaya-ayang itsura kapag nakita sa CCTV, tinakpan umano nila ang mga camera sa hallway, subalit nanatiling bukas ang mga camera sa mga workstations kung saan naroon ang mga kagamitan.
Sa ngayon, isasailalim ang tatlong pulis sa administrative proceedings habang nasa Personnel Holding and Accounting Section ng ACG.