3 Tulak ng Droga, Huli sa Magkahiwalay na Buybust Ops sa Isabela!

*Isabela- *Arestado ang tatlong katao matapos matiklo sa pagbebenta ng iligal na droga sa isinagawang drug buybust operation ng mga otoridad sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Isabela.

Unang nadakip ng mga kasapi ng PNP Roxas bandang 11:50 kagabi ang dalawang tulak na kinilalang sina Angelica Naval, 31 anyos, walang asawa, isang entertainer, residente ng Celestino St. Navotas, Metro Manila at Robert Hamor, 32 anyos, walang asawa, waiter, at residente naman ng Road Harbor, Tondo, Manila.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFMCauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakatanggap ng tawag ang himpilan ng PNP Roxas mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nakitang pagpa-pot session ng dalawang suspek sa isang Videoke Bar sa Sitio Katuday Brgy. Bantug, Roxas, Isabela.


Agad na nagtungo ang mga operatiba sa lugar hanggang sa maaktuhan sina Naval at Hamor na abala sa pagbatak ng droga.

Agad rin hinuli ng mga rumespondeng pulis ang dalawa at narekober sa kanilang pag-iingat ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, tatlong piraso ng foil, dalawang lighter at dalawang improvised tooter.

Samantala, timbog rin sa drug buybust operation ng PNP Ramon ang isang lolo na si Napoleon Cabote, 69 anyos, may asawa na residente ng Bugallon Norte, Ramon, Isabela.

Ito’y matapos magpositibong nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang poseur buyer mula kay Cabote kapalit ang halagang limang daang piso (P500.00).

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang mga naarestong suspek para sa kaukulang dokumentasyon at sila’y nakatakdang sampahan ng kasong may kinalaman sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments