3 variants ng COVID-19, binabantayan ng DOH

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na tatlong variants ng COVID-19 ang kanilang binabantayan ngayon.

Tinukoy ni Health Undersec. Maria Rosario Vergeire ang variant ng virus sa South Africa, United Kingdom at Malaysia.

Ayon kay Vergeire, nagsasagawa na ang Philippine Genome Center ng surveillance system at genome sequencing hinggil sa posibleng variant na nakapasok sa Mindanao at Visayas.


Ito ay lalo nat maraming mga residente ng Mindanao ang labas-pasok sa Sabah, Malaysia na malapit sa nasabing rehiyon.

Bunga nito, nagbabala si Vergeire na marami pang hamon laban sa COVID-19 ang haharapin ng bansa at hindi pa nila masabi kung hanggang kailan matatapos ang laban

Kinumpirma rin ni Vergeire na nagsumite na ang DOH ng rekomendasyon sa Office of the President para sa pagsama sa anim pang mga bansa sa travel ban.

Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na mananatili sa January 15 ang pagtatapos ng travel ban sa mga bansang may kaso ng bagong variant ng virus.

Ipinauubaya na aniya nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapasya kung palalawigin pa ang travel ban.

Facebook Comments