Wednesday, February 18, 2026

30-ANYOS NA LALAKI, SUGATAN MATAPOS MAPAPUTUKAN NG NILILINIS NA BARIL

Isang 30-anyos na lalaki ang sugatan matapos tamaan ng bala mula sa umano’y accidental firing bandang alas-5:20 ng madaling-araw kahapon, Pebrero 17, sa Bani, Pangasinan.

Batay sa salaysay ng isang 27-anyos na saksi, dumating ang suspek na kinilalang isang 32-anyos na driver/mechanic at nagpakita ng maliit na itim na baril sa iba pa nitong kasamahan. Hawak-hawak umano ng suspek ang baril habang nililinis ito ng tela nang bigla nitong makalabit ang gatilyo.

Dahil dito, pumutok ang baril at tinamaan ang biktima sa kaliwang gitnang bahagi ng braso. Tumagos ang bala hanggang sa kaliwang itaas na bahagi ng kanyang katawan.

Agad na dinala ang biktima sa ospital sa Barangay Sampaloc, Bolinao gamit ang motorsiklo ng suspek.

Matapos maihatid ang biktima, umalis umano ang suspek at sinabing kukuha lamang ng mga gamit na kakailanganin ng nasugatan.

Rumispende naman ang Bani Municipal Police Station mula sa Bolinao MPS hinggil sa nangyari dahilan ng pag-aresto sa suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments