
Unti-unti nang bumabalik sa normal ang operasyon ng Surface Water Treatment Plant (SWTP) ng PrimeWater San Carlos matapos maayos ang nasirang main water intake pump na matatagpuan sa Barangay Guelew.
Ayon sa ulat, bandang 7:00 ng umaga noong Enero 27, 2026 ay nagkaroon ng aberya sa pangunahing intake pump ng SWTP na nagsusuplay ng tubig sa mahigit 30 barangay sa lungsod. Dahil dito, pansamantalang tumigil ang operasyon ng planta.
Bandang 8:15 ng gabi, patuloy pa rin ang ginagawang pagkukumpuni ng technical team ng PrimeWater sa nasabing pasilidad. Ilang oras matapos ang insidente, unti-unting naramdaman ang epekto ng pagkasira nang maubos ang nakaimbak na tubig mula sa reserve tank ng SWTP.
Gayunman, bandang 9:37 ng gabi, kinumpirma ng PrimeWater na muli nang gumagana ang intake pump. Sa kasalukuyan, nag-iipon na ng tubig ang storage tank upang maiproseso ng planta at maging ligtas na maiinom o potable water.
Habang pansamantalang hindi gumagana ang SWTP, muling pinatakbo ang mga deep well pumping stations na konektado sa lugar. Dahil dito, nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig sa ilang barangay na sakop ng SWTP, kung saan ang ilan ay nakaranas ng mahina, kakaunti, o tuluyang pagkawala ng suplay ng tubig.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Lokal na Pamahalaan ng San Carlos City (LGU SCCP) sa pamunuan ng PrimeWater upang masiguro ang agarang aksyon at mabilis na panunumbalik ng maayos na suplay ng tubig sa mga apektadong lugar.
Bilang tugon, magpapatawag ng pagpupulong ang LGU Safety and Security Cluster sa ngayong araw, Enero 28, 2026, kasama ang San Carlos City Water District, PrimeWater San Carlos, at iba pang kaugnay na departamento. Layunin ng pulong na makakuha ng opisyal na ulat at magsagawa ng masusing pagsusuri sa kasalukuyang operasyon ng SWTP.
Tiniyak ng LGU na patuloy silang nakaantabay at mahigpit na nakikipag-ugnayan sa PrimeWater upang matutukan ang sitwasyon at matiyak ang kapakanan ng mga mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










