Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na itaas sa 30% ang seating o venue capacity ng mga lugar na pinagdadasalan gaya ng simbahan, mosque at iba pa na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, alinsunod na rin ito sa rekomendasyon ng mga alkalde sa Metro Manila para bigyang-daan ang pagdalo ng mas maraming mga mananampalataya lalo’t nahaharap ang bansa sa COVID-19 crisis.
“Pinayagan na ang religious gatherings sa mga lugar sa ilalim ng GCQ na hanggang 30% of the seating or venue capacity sa dating 10%. Ito rin po ay alinsunod sa naging rekomendasyon ng ating Metro Manila mayors,” ani ni Roque.
Nagpaalala naman si Roque ng istriktong pag-obserba ng lahat ng religious denominations sa mga protocols at minimum health standards, partikular na ang social distancing measures at non-pharmaceutical interventions gaya ng pagsusuot ng face masks at pagkakaroon ng hand hygiene necessities sa lugar.