30 distressed OFW mula Al Khobar, ligtas na nakauwi ng bansa

Ligtas na nakabalik sa bansa ang panibagong batch ng mga distressed OFW mula Al Khobar.

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport NAIA Terminal 1 ang naturang mga Pinoy kagabi sakay ng Saudia Airlines Flight SV870.

Ayon sa OWWA ang mga OFW na na-repatriate ay binubuo ng 32 na pansamantalang nanatili sa shelter sa Al Khobar bago sila nakauwi sa Pilipinas.

Kasama naman ng mga ito ang dalawang dependents mula Jeddah, Saudi Arabia.

Sinalubong ng mga kinatawan mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW) ang ating mga kababayan upang masiguro ang kanilang maayos na pagdating at mabigyan ng kinakailangang tulong.

Sila ay pinagkalooban ng financial assistance, medical check-up, immigration assistance, transport assistance upang makauwi sila nang ligtas sa kanilang mga pamilya.

Gayundin ng hotel accommodation para sa pansamantalang tutuluyan habang inaasikaso ang kanilang pagbabalik sa kani-kanilang mga probinsya.

Facebook Comments