Muling pinaalala ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na magiging epektibo na sa February 14, 2024 ang 30% na increase sa karamihan ng mga case rate o benefit package nito.
Sa isang panayam, sinabi ni PhilHealth Spokesperson Rey Baleña na layon ng nasabing hakbang na mabawasan ang bayarin sa ospital ng mga miyembro ng ahensya na kumukuha ng healthcare services gamit ang PhilHealth.
Nakapaloob aniya ito sa inilabas na Circular kung saan nakasaad na magkakaroon ng 30% na adjustment factor ang kasalukuyang mga benefit package gaya ng TB-DOTS, Animal Bite Treatment, Outpatient HIV-AIDS Treatment, Maternity Care at Newborn Package.
Nilinaw rin ni Baleña na hindi lahat ng package ay tataasan dahil ilan sa mga ito ay nagkaroon na ng adjustment sa nakalipas na limang taon gaya ng Dialysis, Stroke at Outpatient Package for Mental Health.
Una nang ipinatupad ang expanded coverage para sa Dialysis mula 90 sessions hanggang 156, Mental Health coverage na hanggang 60,000 pesos at Stroke na umaabot hanggang 76,000 pesos.
Samantala, una na ring itinaas sa 5% mula sa 4% ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth ngayong taon.