30 Katao, Natukoy na ‘Close Contact’ ng COVID-19 Positive sa Bayan ng San Manuel

Cauayan City, Isabela- Natukoy na rin ng lokal na pamahalaan ng San Manuel ang mga taong nakasalamuha o ‘close contact’ng isang 24 taong gulang na lalaking OFW na nagpositibo sa COVID-19 na mula sa naturang bayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Manuel Faustino ‘King’ Dy, nasa 30 katao ang na-trace na nakahalubilo ng pasyente at 20 sa mga ito ay mga personnel ng RHU habang ang sampu (10) ay mga kasama sa quarantine facility.

Nakatakdang isailalim sa swab test ngayong araw ang mga natukoy na close contact ng pasyente.


Matatandaang dumating ang pasyente sa Pilipinas noong June 11, 2020 mula sa pinagtatrabahuan sa UAE at dumating naman sa Isabela noong June 15, 2020.

Bilang bahagi sa protocol ng LGU San Manuel, isinailalim sa rapid test ang mga umuwing OFW noong June 27, 2020 at siya ay positibo kaya’t agad na kinuhanan ng swab bilang specimen sample upang masuri para sa COVID-19 hanggang sa nagpositibo rin ang resulta nito sa naturang sakit.

Iginiit ng alkalde na walang dapat ikatakot ang mamamayan ng San Manuel dahil hindi nakauwi ang pasyente sa kanilang tahanan at walang nakasalamuhang mga kaanak o pamilya.

Ibinahagi rin nito na nasa 19 na katao ang kasalukuyang naka-quarantine sa kanilang itinalagang pasilidad na kung saan ay halos nasa 200 na Locally Stranded Individuals (LSI’s) na ang kanilang napauwi sa bayan sa pamamagitan ng Balik Probinsya program ng pamahalaan.

Bagamat nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Isabela ay patuloy pa rin ang kanilang pagpapatupad sa health protocols gaya ng pagsusuot ng mask, social distancing at pagbabantay sa mga checkpoints lalo na sa boarder checkpoint ng San Manuel.

Facebook Comments