Cauayan City, Isabela- Masayang tinanggap ng mga batang mag-aaral ng Buyasyas Elementary School sa Sitio Bucaog Barangay Buyasyas, Sta. Fe, Nueva Vizcaya ang kanilang bagong school supplies na handog ng kapulisan sa probinsya.
Nasa tatlumpung (30) mag-aaral ang maswerteng nabiyayaan ng mga gamit sa pang-eskwela, rain coat at tsinelas na inisyatiba ng kapulisan ng Nueva Vizcaya Provincial Medical and Dental Team sa pangangasiwa ni PMaj Lauro F Dela Cruz Jr kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Nueva Vizcaya, sa pamumuno ni PMaj Rolandulph Puguon, Crime Lab/ SOCO at Legal Service.
Ito’y bahagi pa rin ng isinasagawang BARANGAYanihan ng kapulisan sa rehiyon dos na isang proyekto ni PBGEN Crizaldo Nieves, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 2.
Maging ang mga opisyales ng nasabing barangay sa pamumuno ni Kapitan Carlos M. Bilwan ay nagsagawa rin ng Simultaneous BARANGAYanihan Help & Food Bank sa mga residente ng lugar.
Ang nasabing hakbang ay isang paraan ng Kapulisan upang ipadama ang pagpapahalaga sa mga kababayan kabilang ang I-wak Tribe na nagmula sa nasabing Sitio.