30% ng halaga ng “ill-gotten wealth” mula sa mga naipanalong kaso ng gobyerno, inirekomendang ibigay sa Office of the Ombudsman

Pinasasabatas na ni Senator Chiz Escudero ang panukala kung saan ang 30% ng halaga ng halaga ng ‘ill-gotten wealth’ mula sa mga forfeiture case na naipanalo ng gobyerno laban sa mga tiwaling opisyal ay ibibigay sa Office of the Ombudsman.

Sa inihaing Senate Bill 292 ni Escudero, layunin ng panukalang batas na makapagbigay ng dagdag na pondo sa Office of the Ombudsman upang matulungan ang mga empleyado nito sa epektibong pagtupad ng kanilang tungkulin at mandato laban sa katiwalian sa pamahalaan.

Inaamyendahan ng panukala ang RA 1379 o ang Forfeiture Law para maisulong ang dagdag na mapagkukunan ng pondo ng Ombudsman sa pamamagitan ng pagkakaloob ng share sa anumang ari-ariang nakumpiska pabor sa gobyerno.


Nakasaad pa sa panukala na kung ang pagaari ay hindi ‘cash’, ang property ay isusubasta sa isang public auction at 30% ng pinagbentahan nito ay ilalaan sa Office of the Ombudsman.

Tinukoy ni Escudero ang kahalagahan na mabigyan ng dagdag at iba pang financial resources ang Office of the Ombudsman dahil kulang na kulang ang kanilang budget sa paglaban sa korapsyon kung ikukumpara sa kanilang international counterpart dahilan kaya ang korapsyon sa bansa ay patuloy na namamayagpag at nauubos naman ang kaban ng bayan.

Facebook Comments