30% ng mga Filipino, duda sa COVID-19 vaccine; Pilipinas, tiniyak na bibigyan ng sobrang suplay ng bakuna ng dalawang bansa

Aminado ang Food and Drug Administration (FDA) na halos 30 porsyento ng mga Filipino ang duda sa COVID-19 vaccine.

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, target ng pamahalaan na mabakunahan ang 60-70 milyong Filipino sa loob ng tatlo hanggang limang taon sa tinatayang 110 milyong populasyon ng bansa.

Pero kailangan aniyang ipakita ng pamahalaan at ipadama sa publiko ang kaligtasan, pagiging epektibo at kahalagahan ng pagbabakuna.


Batay sa itinakda ng World Health Organization (WHO), kailangang mabakunahan kontra sa virus ang 65 hanggang 70 porsyento ng populasyon upang makamit ang herd immunity.

Muli namang tiniyak ni Domingo na ang pagpapabakuna ay boluntaryo at kailangang may informed consent.

Kasabay nito, tiniyak ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 AT Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na handa ang Australia at China na ibigay ang sobrang suplay nila ng bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.

Paliwanag ni Galvez, higit pa sa populasyon ng mga naturang bansa ang nabili nilang mga bakuna kontra COVID-19, kaya payag ang mga ito na ibahagi ang sobra nilang suplay.

Facebook Comments