
Sasailalim sa overhaul o malawakang pagbabago ang panuntunan ng Minimum Access Volume (MAV) para sa karne ng baboy na halos tatlong dekada nang umiiral.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. layon nito na maalis ang butas sa panuntunan na napapaikutan at napagsasamantalahan ng maliit na bilang ng accredited importers.
Ayon pa sa Kalihim, sa ginawa nilang pag-review sa MAV, natuklasang sa 130 quota holders, 47 dito ang nakakuha ng 80 porsiyento ng lokal na alokasyon habang ang 22 mula sa 47 ang nakakopo sa 70 percent volume.
Karamihan din aniya sa MAV quota ay kalimitang paulit-ulit na ginagamit at pinapalaki ang total import volume.
Ang karne ng baboy na inangkat sa ilalim ng MAV ay may mas mababang taripa na 15 porsiyento kumpara sa regular rate na 15 percent.
Pero, ayon kay Laurel, tila hindi nakikinabang ang mga consumer sa binababang taripa.
Ani Sec. Laurel, batay sa inisyal na plano, itataas nila ang alokasyon sa meat processors ng 40,000 metriko tonelada at ang balanse ay ilalaan sa Food Terminal Inc. at dadalhin sa mga pamilihan upang mapatatag ang presyo ng karne ng baboy.
Target ng ahensya na matapos ang guidelines bago mag-Oktubre ngayong taon.