Tataas ang kaso ng COVID-19 sa susunod na buwan sa Metro Manila.
Ito ang pagtaya ni Dr. Guido David ng OCTA Research group sa panayam sa Laging Handa briefing.
Aniya, aabot sa 300 hanggang 400 ang inaasahang maitatalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila pagsapit ng Disyembre dahil sa mga inaasahang mga party.
Sa kasalukuyan aniya ay 260 COVID cases kada araw ang naitatala bahagyang tumaas ito kung ikukumpara nang mga nakarag buwan.
Maaga pa raw para matukoy ang dahilan nang bahagyang pagtaas ng COVID cases pero posible aniyang ito na ang binabantayan nilang BQ subvariant na kumakalat sa Amerika at Europa, maging sa China at Japan.
Kaya hindi malayong magkaroon ng pagtaas ng kaso sa bansa.
Magkagayunpaman hindi raw ito nakakaalarma dahil wala pa naman projection ng bagong wave ng infection.
Sa ngayon, mas maigi aniyang sumunod pa rin sa mga health protocols lalo na ang pagsusuot ng face mask bagama’t ito ay hindi na inoobliga ng gobyerno at magkaroon ng social distancing.