300 karagdagang pulis, ipadadala sa Cotabato City; SAF at Marines, ide-deploy rin

Magpapadala ang Police Regional Office Bangsamoro, ng 300 karagdagang pulis sa Cotabato City bilang bahagi ng seguridad para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo, matapos mapabilang sa validated election-related incident (ERI) ang pagkasawi ng 3 indibidwal kabilang ang dalawang kandidato sa pagka-barangay kagawad.

Ayon kay Fajardo, magmumula sa Reserve Force ng PRO Bangsamoro ang mga ipadadalang pulis na titiyak ng seguridad sa lungsod.


Maliban dito, magde-deploy din ng mga tauhan ang PNP Special Action Force at Philippine Marines.

Sa ngayon, nasa Yellow Category ang Barangay Rosary Heights 12 kung saan naganap ang insidente pero posible itong itaas sa orange o red category.

Matatandaang nagkakabit lang ng campaign posters ang mga biktima nang pagbabarilin sila ng mga salarin.

Naaresto naman ang 12 suspek, kabilang ang isang pulis.

Facebook Comments