Umarangkada na ang drive through vaccination rollout sa Quezon City.
Target na mabakunahan ng Sinovac vaccine ngayong araw ang aabot sa 400 na miyembro ng mga Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) o samahan ng mga tricycle drivers, Overseas Filipino Workers (OFW) at market vendors.
Pinangunahan mismo ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagturok ng bakuna at sinaksihan naman ito ni Mayor Joy Belmonte na isinagawa sa ground floor ng Quezon City Hall.
Ayon kay Secretary Duque, symbolic vaccination lang ang isinagawa ngayong araw.
Aniya, simultaneous sa iba’t ibang siyudad sa bansa ang pagbabakuna sa mga manggagawa matapos itong hilingin ng Department of Labor and Employment o DOLE bilang paggunita sa Araw ng Paggawa.
Tiniyak ng kalihim, magkakaroon ng malawakang pagbabakuna sa mga buwan ng Hunyo hanggang Agosto dahil maraming suplay ang darating na binili ng pamahalaan.
Bukod sa bakuna, namigay naman ang Quezon City Local Government Unit (QC-LGU) sa mga manggagawa ng ayuda tulad ng bigas, groceries, alcohol at mga vitamins.
Ipinakita na rin ni Belmonte kay Sec. Duque ang QC Protektodo bakuna bus na siyang gagamitin para magbahay-bahay sa paghahatid ng bakuna.
Puntirya ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang abot sa 30 milyon na manggagawa na itinuturing na pangunahing nagpapaandar ng ekonomiya ng bansa.