Tuesday, January 20, 2026

300 palay processing centers sa bansa, itatayo ng pamahalaan para sa dagdag-kita ng magsasaka at food security

Isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng 300 karagdagang palay processing centers sa buong bansa ngayong taon upang mapalakas ang post-harvest facilities, mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka, at tiyakin ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.

Ito ay kasunod ng pag-iinspeksyon ng Pangulo sa bagong Rice Processing System (RPS) sa Hamtic, Antique.

Ayon sa Pangulo, nakapagtayo na ang administrasyon ng 152 palay processing facilities at inaasahang madadagdagan pa ang bilang nito sa mga susunod na buwan.

Layunin ng mga bagong pasilidad na matigil ang hindi ligtas na pagpapatuyo ng palay sa mga kalsada at maprotektahan ang ani ng mga magsasaka mula sa pinsala at pagkalugi.

Kasabay nito, patuloy ding minomodernisa ng gobyerno ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng makinarya, farm inputs, at crop insurance upang matulungan ang mga magsasaka sa harap ng kalamidad at iba pang hamon sa produksyon.

Para naman sa sektor ng pangisdaan, magbibigay ang Department of Agriculture (DA) ng mga bangkang de-motor at iba pang kagamitang pangkabuhayan upang mapataas ang kita ng mga mangingisda.

Bukod sa inspeksyon sa RPS, pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng bilyon-bilyong pisong halaga ng tulong at suporta sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Antique.

Facebook Comments