Umaabot na sa 300 quarantine facilities ang naitatayo ng Department of Public Works and Highways simula nang tumama ang COVID-19 pandemic hanggang nitong katapusan ng Setyembre sa buong bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DPWH Undersecretary Emil Sadain na ang pinaka-latest dito ay ang Solaire-PAGCOR mega quarantine facility sa bagong Nayong Pilipino sa Parañaque City.
Nabatid na ito ang pinakamalaking quarantine facility ngayon sa Metro Manila na mayroong 600 bed capacities na tatanggap ng mga mild at asymptomatic COVID-19 patients.
Samantala, nasa higit 300 pang quarantine facilities ang tinatapos sa ngayon ng DPWH.
Ayon kay Sadain, hangga’t walang gamot o bakuna kontra COVID-19 ay magpapatuloy pa rin ang ahensya sa pagtatayo ng quarantine facilities dahil sadyang napakahalaga na i-isolate ang mga mild at asymptomatic COVID-19 patients upang hindi na sila makapanghawa pa ng iba.