Naghahanap na ang Department of Science and Technology (DOST) ng 3,000 indibidwal na lalahok para sa COVID-19 vaccine mix-and-match trials.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato de la Peña, kailangan nila ang 3,000 boluntaryo na may edad 18 pataas mula sa walong lugar sa bansa kabilang ang Manila, Pasig, Antipolo, Marikina, Quezon City, Muntinlupa, maging sa Cebu City at Davao City.
Aniya, hahatiin ang trial sa tatlong grupo kung saan ang unang batch ay pag-aaralan ang parehong bakuna sa ilalim ng parehong plataporma; ang ikalawang batch ay tututok sa paghahalili sa mga bakuna at ang ikatlong batch ay ang pagbibigay ng booster doses.
Nabatid na kabilang sa bakunang gagamitin sa nasabing trials ay AstraZeneca, Pfizer, Moderna, Sputnik, at Sinovac.
Nauna nang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) COVID-19 mix-and-match trials noong Nobyembre 17.