Nakabalik na sa kanilang trabaho ang nasa 200,000 hanggang 300,000 mangagawa matapos isailalim sa heightened General Community Quarantine (GCQ) ang NCR Plus area.
Ayon kay Trade Undersecretary Erineo Vizmonte, ang malaking bilang ng mga manggagawa na naapektuhan ng Enhaced Community Quarantine (ECQ) ay nasa indoor dining restaurant at sa personal health services.
Pero dahil pinayagan na ang hanggang 20% kapasidad ng mga dining services, balik trabaho na ang mga displaced workers.
“Technically speaking, tayo po ay nag-move na from MECQ to GCQ. So mayroon lang pong mga dinagdag po tayo sa listahan na mayroong heightened restriction. So ano na po ‘to, para na po tayong nasa GCQ pero mayroon pong limitasyon iyong iba pong mga high-risk establishments,” ani Vizmonte.
Nilinaw naman ni Vizmonte na ang 700,000 mangagawa na wala pa ring hanapbuhay hanggang ngayon ay mula sa high risk industries.
Pero kapag nagluwag na aniya sa regular na GCQ ang NCR Plus, inaasahan nila na makakabalik na sa trabaho ang iba pang manggagawa.