Nasa 300,000 metric tons ng asukal ang kailangan para maibalik sa normal ang suplay nito sa bansa.
Sa panayam ng RMN Manila kay Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica, kapag nakamit ang naturang bilang ay magiging sapat ang suplay ng asukal kahit anumang panahon.
Punto ni Serafica kung sapat ang suplay ng asukal ay walang paggalaw o hindi na magkakaroon ng taas-presyo nito sa merkado.
Inamin kasi ni Serafica na patuloy talaga ang pagnipis ng suplay ng asukal sa bansa kaya naman dapat tutukan ng pamahalaan ang ganitong problema.
Iginiit ni Serafica na kinakailangan na nating mag-import upang maiwasan ang kakulangan ng suplay.
Samantala, nagsitaasan na rin ang presyo ng mga kakanin sa ilang tindahan sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagsipa sa presyo ng kanilang mga pangunahing sangkap sa paggawa nito tulad ng asukal.