300,000 mga private school teachers, nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa kakaunting enrollees

Nanganganib ngayong mawalan ng trabaho ang nasa 300,000 guro sa mga pribadong paaralan dahil sa kakaunting enrollees sa kasalukuyan.

Sinabi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary General Raymond Basilio, maraming pribadong eskwelahan na ang nanganganib na magsara o magbawas ng mga guro.

Aniya, hindi kasi kakayanin ng mga ito ang operasyon kung lilimitahan na ang bilang ng mga mag-aaral.


Ayon naman sa Coordinating Council of Private Educational Association of the Philippines (COCOPEA), nahaharap din ang mga private schools sa karagdagang gastos sa pagbili ng mga kagamitan at pagbibigay ng training sa mga tauhan nito alinsunod sa requirements ng Department of Education (DepEd).

Batay sa datos ng COCOPEA, nasa dalawang milyong estudyante ang inaasahang lilipat sa mga pampublikong paaralan o hihinto sa kanilang pag-aaral kaya nalalagay sa alanganin ang operasyon ng nasa 400 private schools.

Una nang sinabi ng DepEd na nasa kalahating milyon palang ang enrollees sa mga private school na mas mababa kumpara sa 4.3 million noong 2019.

Facebook Comments