308 na mga pekeng birth certificates, ginamit sa pagkuha ng authentic Philippine passport

Aabot sa 308 na pekeng birth certificates ang natuklasan ng Philippine Statistics Authority (PSA), na ginamit para sa aplikasyon at pagkuha ng Philippine passport ngayong taon.

Ito ang nadiskubre sa muling pagharap ng PSA sa plenaryo para sa kanilang budget deliberation matapos na ma-recall ang pag-apruba sa kanilang pondo noong nakaraang linggo dahil sa alegasyon ng pagiisyu ng Philippine passport sa mga foreign nationals.

Ayon kay Senator Sonny Angara, ang sponsor ng PSA budget sa Senado, mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ay nasa 26,000 na requests mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang natanggap ng PSA para sa validation ng civil registry documents.


Batay sa resulta ng validation, 308 mga birth certificates ang nakumpirmang peke at ito ay hindi lang limitado sa mga Pilipino kundi pati sa mga dayuhan.

Ipinaliwanag pa ni Angara, na ang mga birth certificates ng anim sa pitong dayuhan na naisyuhan ng Philippine passports ay napagalamang peke.

Ang isa sa pitong dayuhan naman na naisyuhan ng authentic Philippine passport ay gumamit naman ng tunay na birth certificate gamit ang pangalan ng isang Pilipino na taga Sta. Cruz, Zambales at ito ay posibleng kaso naman ng identity theft.

Dahil hindi aniya magagawa ng DFA na ma-detect o malaman ang mga pekeng dokumento na walang tulong ng PSA, kinakailangan naman ng PSA na palakasin na ang anti-fraud mechanism nito sa tulong na rin ng budget na maibibigay ng Kongreso.

Facebook Comments