31% ng ayuda naipamahagi na – DILG

Umaabot na sa 3.4 milyon benepisyaryo ng assistance ang napagkalooban ng P1,000 hanggang apat na libong piso kada pamilya na nasa ilalim ng NCR Plus bubble.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya na sa kabuuan ay nasa 31% na ang mga nabigyan ng ayuda.

Sumatutal, nasa P3.4 bilyon mula sa P22.9 bilyon na aniya ang naipamamahagi ng pamahalaan sa mga nawalan ng hanapbuhay bunsod ng ipinatupad na dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Ayon kay Malaya, medyo bumibilis na ngayon ang pamumudmod ng ayuda ng bawat Local Government Unit (LGU).

15 araw ang ibinigay ng DILG para sa mga LGU na mamimigay ng cash assistance habang 30 araw naman para sa mamamahagi ng in-kind o pagkain.

Sa pagtaya ng Department of Budget and Management, mayroong 11.2 milyon indibidwal ang magiging benepisyaryo sa NCR, 3 milyon sa Bulacan, 3.4 milyon sa Cavite habang 2.7 milyon sa Laguna at 2.6 milyon sa Rizal.

Facebook Comments