2 araw na stand-off sa compound ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Disono, natapos na; Mga armas at bodyguard ng bise alkalde, isinuko!

Natapos na ang dalawang araw na stand-off sa pagitan ng mga pulis at mga armadong grupo na nasa loob ng compound ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Disono.

Kasunod ito ng nangyaring shooting incident sa pagitan ng mga pulis at security detail ng bise alkalde kung saan isa ang nasawi.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na isinuko na ng kampo ni Disono ang mga baril at bodyguards nito kagabi.


Nagsasagawa na ng ballistic tests sa 14 na iba’t ibang klase ng baril habang sumasailalim ngayon sa documentation ang 12 security escort ni Disono.

Muli namang iginiit ng PNP na walang nangyaring harassment sa insidente.

Giit ni Fajardo, kitang-kita naman sa kuha ng dashcam ng mismong van na security personnel ni Disono na hindi nito pinansin ang checkpoint at sinagasaan pa ang pangalawang grupo ng mga pulis na nagtangkang magpahinto sa sasakyan.

Nilinaw din niya na hindi target ng checkpoint ang grupo ng vice mayor.

Facebook Comments