Manila, Philippines – Nagkasa ng kilos protesta ang iba’t-ibang grupo ng mga magsasaka ngayong araw para gunitain ang ika-32 taon ng Mendiola massacre.
Magmamartsa ang mga magsasaka na galing ng Central Luzon at Southern Tagalog region mula sa harap ng UST sa España sa Maynila patungo sa tulay ng Mendiola para magsagawa ng programa.
Bitbit ng grupo ang panawagan para sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at hustisya sa 13 farmworkers na napaslang noong 1987 sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.
Ito ang araw kung saan nagsagawa ng malaking kilos protesta sa tulay ng Mendiola ang may 20,000 farmworkers na umaasang makausap si dating Pangulong Cory Aquino at hilingin ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.
Subalit nauwi lamang sa madugong komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at militar kung saan nasawi ang labintatlong raliyista at pagkasugat ng maraming iba pa.
Nasampahan ng kaso ang mga responsableng opisyal ng gobyerno at ang pamahalaan sa madugong dispersal noon subalit dinismiss lamang ito ng Manila Regional Trial Court dahil sa usapin ng immunity from ng suit ng pamahalaan sa nabanggit na kaso.
Marso 1993 naman ng pagtibayin ng Korte Suprema ang naging desisyon ng RTC.